Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang pondo para sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay iginiit nina Senators Joel Villanueva, Nancy Binay at Risa Hontiveros na alisin na ang temporary deployment ban sa health workers, tulad ng mga nurse.
Pero paliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ngayong may pandemya ay kailangang ipagpatuloy muna ang pagbabawal na makapag-abroad ang ating health workers.
Ayon kay Bello, requirement ng ibang bansa sa pagkuha ng health workers ang pagiging skilled at pagkakaroon ng experience.
Ipinunto ni Bello na kung aalisin ang deployment ban ay baka maiwan sa Pilipinas ang mga wala pang experience at hindi skilled.
Nilinaw rin ni Bello na hindi sarado ang isip ng gobyerno at tiyak na ikokonsidera ang pag-alis sa deployment ban kapag gumanda na ang sitwasyon sa Pilipinas kaugnay sa COVID-19.