Kahalagahan ng digitalization sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, iginiit ng pangulo

Dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa 2022 UnionBank Innovation Festival na ginanap sa UnionBank Innovation Campus Complex sa San Pedro City sa Laguna kaninang umaga.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ng pangulo na kung may magandang idinulot sa buhay ng mga tao ang pandemya ng COVID-19, ito ay ang pagtuklas sa mga makabagong teknolohiya o digitalization.

Dahil aniya rito ay naging mas madali ang takbo ng buhay at mga aktibidad at pakikipagtransaksyon sa pribado man o pampublikong sektor at sa mga negosyo.


Kaya naman sinabi ng pangulo na hindi dapat hayaang mapag iwanan ang Pilipinas sa usapin ng digital world.

Iginiit ng pangulo ang pagiging high level na ng industriya ng pagbabangko at information and communications technology sa panahong ito kaya naman dapat aniyang samantalahin ang mga benepisyong ibinibigay ng pagiging digital na ng pamamaraan sa maraming bagay.

Magiging pabaya aniya ang pamahalaan kung hindi kikilalanin ang trend ngayon na nangyayari sa buong mundo.

Isa ang digitalization sa mga isinusulong ng Marcos administration na sa katunayan ay mayroon na itong naunang direktiba na simulan na ng mga ahensya ng gobyerno ang digital transformation sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Facebook Comments