Binigyan-diin ni Three-term Senator, Deputy Speaker at Antique Lone District Rep. Loren Legarda ang kahalagahan ng pagbibigay suporta sa urban agriculture lalo na ngayong pandemya upang matugunan ang kagutuman, malnutrisyon at maabot ang food security sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senator Legarda na nakakaalarma ang 2020 fourth quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Nobyembre kung saan tinatayang nasa apat na milyong pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng involuntary hunger.
Para sa senadora, sa dami at sa yaman ng lupain sa Pilipinas, hindi dapat nararanasan ng mga Pilipino ang kagutuman kung may kaalaman lang ang mga ito kung paano gamitin ng tama ang ating natural resources.
Naniniwala ang senadora na maaabot ang food security sa bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa agriculture at urban farming.
Una nang inihain ni Senator Legarda ang House Bill No. 637 o Food Forest Gardening Act na layong itaguyod ang food farming sa bansa.