Gustong makita ng mga botante ang kanilang kandidato na sumasali sa mga interview at debate.
Yan ang inihayag ng political analyst at Ateneo School Government Research Fellow Atty. Michael Henry Yusingco sa interview ng RMN Manila.
Paliwanag ni Yusingco, sa mga interview at debate nakikita ng mga botante ang mga kandidato ng sabay-sabay na naglalahad ng kanilang plataporma kung saan sila natatanong at nasusuring mabuti.
Aniya, bagama’t may mga modernong pamamaraan na ngayon ng pagpapakilala sa mga tao kagaya ng social media pages, importante pa rin ang pagharap sa mga panayam at debate.
Matatandaang umani ng iba’t ibang reaksyon ang naganap na panayam ng isang malaking network kung saan bukod tanging si Bongbong Marcos lang ang hindi dumalo sa mga presidential aspirant na inimbitahan.
Giit ni Marcos, ang pagiging bias ng nasabing network ang dahilan ng kanyang hindi pagdalo.