Mahalaga ang isinasagawang ika-38 Balikatan Exercises sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano.
Ito ang binigyang diin ng Presidential Communications Office (PCO).
Ayon sa PCO, importante ang Balikatan dahil naipapakita rito ang pagtutulungan sa defense at military operation ng dalawang bansa.
Maliban dito ay mapapalawig din ng bansa ang pagpapalakas sa maritime security at paglaban sa banta ng terorismo sa rehiyon.
Dagdag pa ng ahensya, ginagawa ang Balikatan Exercise sa layon ding mapaunlad pa ang alyansa ng Pilipinas at ng Amerika bilang katuwang sa iba’t ibang larangan na may kinalaman sa depensa.
12,200 ang kalahok na mga sundalong Kano habang nasa 5,400 na sundalong Pinoy ang kalahok sa Balikatan na magtatagal hanggang April 23.
Ang Balikatan Exercises ay bunga ng Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at ng Amerika batay na rin sa Visiting Forces Agreement na nagsimula pa noong 1998.
Una nang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na interesado siyang manood ng live fire exercise sa Zambales na bahagi rin ng Balikatan pero wala pang kumpirmasyon sa schedule ang Malacañang.