Manila, Philippines – Umapela si Senator Richard Gordon sa mga kongresista na magpasa din ng panukalang nagtatakda ng mas malaki at reflectorized na license plates para sa mga motorsiklo.
Ang Motorcycle Crime Prevention Act of 2017 ay nakapasa na sa third and final reading ng Senado pero sa Kamara ay wala pa.
Paliwanag ni Gordon, maisasabatas lang ang nabanggit na panukala na tutugon sa krimen na kagagawan ng riding in tandem kung may kaparehong bersyon na ipapasa ang Mababang Kapulungan.
Ang panawagan ni Gordon sa mga kongresista ay kasunod ng nangyaring pagpaslang ng riding in tandem kaninang umaga sa veteran journalist na si Michael Marasigan at kapatid nitong si Christopher.
Sa impormasyong nakarating kay Gordon, nahihirapan ang mga imbestigador na matukoy ang salarin sa krimen dahil walang nakakuha sa plaka ng motorsiklong ginamit sa krimen.
Kasabay nito ay nagpahayag din ng pakikiramay si Gordon sa pamilyang naulila ng biktima na matalik din daw niyang kaibigan.