Kahalagahan ng mass testing sa mga PUMs, PUIs at may edad, iginiit ng mga Senador

Ikinadismaya ng mga Senador ang pagtanggi ni Health Secretary Francisco Duque III na magsagawa ng mass testing para maging epektibo ang pagsisikap na pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Giit ni Senate President Vicente Sotto III, hindi naman lahat ng mahigit 100-milyong mga Pilipino ang isasailalim sa mass testing kundi mga PUM, PUI at mga may edad lamang.

Paliwanag naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi dapat magsayang ng oras ang DOH dahil sa pamamagitan ng mass testing ay matutukoy agad at maibubukod ang mga carrier ng Coronavirus.


Ayon kay Senator Panfilo Ping Lacson, bukod sa COVID-19 test kits ng DOH ay pwede ring ikonsidera sa mass testing ang mga available na rapid test kits para malaman ng mabilis ang resulta.

Ibinabala ni Lacson na kung hindi babaguhin ng DOH ang paraan ng paghandle sa health crisis ngayon ay baka maging mas napakabilis ng pagkalat ng COVID-19.

Katwiran naman ni Senator Joel Villanueva, mahalaga ang mass testing upang madetermina kung gaano na kalawak ang pagkalat ng COVID-19 sa buong Pilipinas.

Iminungkahi din ni Villanueva na kung hindi kakayanin ng RITM ang mass testing ay maari namang gamitin dito ang laboratoryo ng mga State Universities and Colleges sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Sabi naman ni Senator Leila de Lima, mainam ang mass testing para sa kaligtasan ng lahat mula sa posibleng pagkakahawa sa mga hindi nagpapakita ng sintomas, ngunit nagdadala ng virus.

Dagdag pa ni de Lima, marami sa mga kababayan natin ang namamatay dahil hindi agad naisasailalim sa COVID testing.

Facebook Comments