Kahalagahan ng mga aso sa search and rescue operations sa pagtugon sa malakas na lindol, itinuro ng MMDA; first aid training sa mga aso, isinagawa

Naniniwala ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga aso sa search and rescue operations (SAR) lalo na bilang paghahanda sa posibleng “ The Big One” na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila anumang oras.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, sa tulong ng iba’t ibang grupo ng Disaster Response Volunteers, kabilang ang K9 SAR Unit ng MMDA, UP-MMDA-Vanguard SAR Corps, at iba pang mga Volunteer, nagsagawa sila ng first aid training para sa mga aso.

Paliwanag pa ni Artes na ang mga kalahok ay nakatanggap ng hands-on training mula sa mga veterinary professionals tungkol sa cardio pulmonary resuscitation para sa mga aso; pangangalaga sa sugat; at pangunang lunas sa emergency.


Giit pa ni Artes na ang K9 ay maaasahang mga kasama upang matiyak ang pagsasagawa ng misyon ng SAR sa panahon ng sakuna kaya dapat ding matiyak ang proteksyon ng mga K9.

Plano rin ng MMDA na magsagawa pa ng mas maraming kahalintulad na mga aktibidad na layuning matulungan ang mga may-ari ng aso na maging mas handa sa pagtugon sa mga emergency at sakuna.

Facebook Comments