Kahalagahan ng pag-aabiso sa close contacts ng pagkakaroon ng COVID-19, iginiit ng dalawang government officials

Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran (LEFT) at Department of Public Works and Highways (DPWH) Build Build Build Committee Chairperson Anna Mae Lamentillo (RIGHT)

Iginiit ng dalawang government officials na gumaling sa COVID-19 ang kahalagahan ng agarang pag-aabiso sa close contacts ng lagay ng kalusugan para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Ito ang binigyang diin nina Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran at Department of Public Works and Highways (DPWH) Build Build Build Committee Chairperson Anna Mae Lamentillo kung saan ikinuwento nila ang kanilang karanasan matapos magkasakit ng COVID-19.

Sa “Survivors Speak” online briefing ng Department of Health (DOH), sinabi ni Libiran na importanteng malaman ng mga nakasalamuhang tao na pagpositibo sa sakit kahit asymptomatic pa.


Dagdag pa ni Libiran, dapat ding magpa-test, mag-isolate at mag-quarantine ang mga nagkaroon ng exposure sa nagpositibo sa sakit.

Ang isang COVID-19 positive patient aniya ay dapat panatilihin ang positibong pananaw sa buhay at huwag magpatalo sa anxiety.

Sinegundahan ito ni Lamentillo at sinabing mayroong moral responsibility ang isang COVID positive na ipagbigay alam sa lahat ang kaniyang kondisyon.

Payo naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahalagang palakasin ng mga asymptomatic ang kanilang immune system.

Mahalagang may sumusuportang pamilya at kaibigan sa recovery process.

Sa huling datos ng DOH, umabot na sa 189,601 ang kaso ng COVID-19 sa bansa na may 55,236 active cases.

Nasa 131,367 ang gumaling matapos maitala kahapon ang 16,459 recoveries at 2,998 ang namatay.

Facebook Comments