Binigyang diin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahalagahan ng pagkakaisa para masolusyunan ang mga isyu at problemang kinakaharap ng bansa dulot ng pandemya, pagkakawatak-watak dahil sa politika, banta sa ating soberenya at kaguluhan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Mensahe ito ni Romualdez sa pagbubukas ngayong umaga ng 3rd regular session ng 19th Congress kung saan kanyang ibinida na ang pagkakaisa ng mga kognresista ang dahilan kaya matagumpay nilang naipapasa ang mga prayoridad na panukala ng admnistrasyon at ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na para sa kapakanan ng bansa at mamamayan.
Pagmamalaki ni Romauldez, mahigit 12,000 mga panukala at resolusyon ang naihain sa Kamara at mayorya ng mga ito ay naiproseso ng Kamara.
Ayon kay Romuadez, maraming hamon pero ito ay kanilang nalampasan dahil isinantabi nila ang pansariling interes, pride mga ambisyon at sa halip ay pinairal ang pagkakaunawaan, nagtrababo sila ng tapat, nagkasundo at iwinaksi ang pamumulitika.
Malugod ding inihayag ni Romualdez na matibay at matatag ang estado ng ating ekonomiya na pinagtitiwalaan hindi lang sa loob ng ating bansa kundi maging sa buong mundo habang mahusay din ang diplomatic relations ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
Binanggit ni Romualdez na mahalaga din ang nagkakaisang suporta kay Pangulong Marcos at sa kanyang administrasyon para makamit ang misyon na maingat ang kabuhayan ng mamamayan.