Kahalagahan ng pagkakaroon ng departamento para sa mga kalamidad, iginiit ng Pangulo

Camarines Sur – Binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang kagawaran ng Pamahalaan na siyang nakatutok sa disaster preparedness at response.

Ito ang binanggit ni Pangulong Duterte sa isinagawang briefing sa kanya sa mga nasalanta ng bagyong Usman sa Camarines Sur kahapon.

Ayon kay Pangulong Duterte, nananatili ang kanyang kagustuhan na magkaroon ng regular na tanggapan ng Pamahalaan na siyang nakatutok sa mga ganitong kalamidad upang mas maging epektibo ang mga hakbang ng Pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa tuwing may tatamang bagyo o hindi inaasahang kalamidad.


Nabatid na sa ngayon ay si Undersecretary Ricardo Jalad ang namumuno sa Office of the Civil Defense (OCD) na nakakasakop naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Ang OCD naman ay nasa ilalim ng Department of National Defense (DND) sa pangunguna naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sa ngayon ay umaandar na sa Kongreso ang panukalang batas na bubuo sa kagawaran na tututok sa disaster preparedness at response.

Facebook Comments