Dapat busisiin ng bawat botante ang isang kandidato bago magdesisyon kung iboboto nila ang mga ito o hindi.
Ito ang payo ng isang political analyst at constitutionalist sa gitna ng nagpapatuloy na paghahain ng Certificate of Candidacy hanggang Oktubre 8.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Atty. Michael Yusingco, senior research fellow ng Ateneo de Manila University Policy Center na karamihan kasi sa mga politiko ngayon ay kilala lamang dahil sa pangalan pero wala pang mga nailalatag na maayos na mga plataporma.
Iminungkahi naman ni Yusingco sa mga botante na gumamit ng batayan sa pagbusisi ng bawat kandidato gaya ng pagtatanong sa mga naiisip nilang solusyon para sa iba’t ibang problema ng bansa.
Samantala, naniniwala naman ang isa pang political analyst na si Dr. Jean Franco na hindi na mauulit pa ang nangyari noong 2019 elections kung saan wala kahit isang kandidato ng oposisyon ang nakakuha ng panalo sa pagkasenador.
Ipinaliwanag ni Franco na marami na kasing nangyari lalo na nitong COVID-19 pandemic na nagbigay ng hindi magandang record sa administrasyon bukod pa sa sinasabing extrajudicial killings na iniimbestigahan na ngayon ng International Criminal Court.