Binigyang-diin ngayon ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahalagahan ng pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Sotto na kapag tinanggal ang pondo ng NTF-ELCAC ay direktang maaapektuhan ang mga programa ng task force para labanan ang insurgency kung saan maaari pa aniya itong magbunga ng pagkakaroon ng mass base ng mga rebelde sa mga malalayong barangay ng Pilipinas.
Giit pa ni Sotto, direktang napupunta sa Local Government Units ang pondo at hindi sa mga opisyal nito.
Kaya naman nanawagan ito sa mga kapwa mambabatas na huwag nang idamay ang pondo sa anti-insurgency program ng pamahalaan at alisin na lang ang mga opisyal na naglalabas ng mga hindi kaaya-ayang pahayag.
Tiniyak ni Sotto na suportado niya ang mga lokal na pamahalaan na nananawagan na huwag alisan ng pondo ng NTF-ELCAC.