Kahalagahan ng PPAN sa mga Pinoy, tinalakay ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng NNC

Tinalakay ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council ang bagong planong ng gobyerno para sa nutrisyon nating mga Pilipino o ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023 – 2028.

Sa episode 12, binigyang lalim ng guest speaker na si Ms. Ellen Ruth Abella, OIC – Chief ng Nutrition Surveillance Division ng NNC ang usapin ng PPAN na nagbibigay ng direksyon sa bansa mula 2023 hanggang 2028 para mapangalagaan at mapabuti ang nutrisyon ng bawat Pilipino.

Ayon kay Ms. Abella, ang PPAN ay pangmatagalang plano ng gobyerno para mapababa ang malnutrisyon ng bansa kung saan ginamitan ito ng maraming datos na naging basehan para mabuo ang pambansang framework upang masolusyunan ang problema sa malnutrisyon, over nutrition at food insecurity sa Pilipinas.


Binubuo ang PPAN ng National government, Local Government Units, NGOs, private sector at civil society.

Batay sa resulta ng 2021 Expanded National Nutrition survey ng Food and Nutrition Institute ng DOST, isa sa bawat apat na batang may edad lima ay bansot o katumbas ng tatlong milyong bata kung saan kapag napabayaan ay magkaka-problema sila sa kanilang development at pag-aaral na maaring sa kanilang paglaki ay makaapekto sa kanilang productivity at ekonomiya ng bansa.

Lumabas din sa datos na 5% ng mga batang limang taong gulang pababa ang sobrang payat habang patuloy rin na dumarami ang bilang ng mga batang overweight o obese.

Nasa 30% naman ng household o pamilya ay nagugutom dahil sa kawalan ng pambili ng pagkain.

Sa ilalim ng PPAN, target na mapababa ang iba’t ibang porma ng malnultrisyon pagdating ng 2028 kabilang ang 20% na pagbaba sa bilang ng mga batang bansot, mapababa ng 5% ang mga batang mapapayat at 3% sa mga batang overweight at obese at hindi na madagdagan pa.

Dahil nakakabit ngayon ang PPAN 2023-2028 sa Philippine development plan sa ilalim ng food security, kakaiba ang implementasyon ngayon nito kung saan magiging life stage approach na ang gagawin at target nito ang mga pamilyang may buntis hanggang sa mga matatanda.

Inalam dito ng pamahalaan ang mga problema, mga kasalukuyang programa para tugunan ito at kung epektibo ba ang mga intervention ng pamahalaan.

Bawat taon aniya ay tinitignan kung epektibo at nag-improve ang mga inisyatibo na ginagawa ng pamahalaan sa problema ng food security at usaping pangkalusugan.

Kasabay nito, Iginiit ni Ms. Abella na kung hindi mababago ang pananaw ng ating mga benepisyaryo ay walang mangyayari sa lahat ng intervention kaya kailangan ipabatid na may mura na masustansyang pagkain at may libre o accessible ang serbisyong pangkalusugan

Sa ngayon ay nasa 34 lalawigan ang prayoridad ng PPAN sa Pilipinas.

Facebook Comments