Iginiit ng Dept. of Finance (DOF) ang kahalagahan ng bagong panukalang batas para sa Sin Tax.
Ayon kay Finance Asec. Tony Lambino, layunin ng panukala na makalikom ng pondo para sa pagpapatupad ng Universal Healthcare Law.
Ginagarantiya rin ng panukalang batas na ang lahat ng Pilipino ay may pantay-pantay na access sa dekalidad at abot-kayang serbisyong medikal.
Makakatulong din ito para mabawasan ang paggamit ng Sin Products.
Sa ilalim ng panukala, tataasan ang buwis sa Alcoholic na inumin, Sigarilyo, maging sa E-Cigarettes at Vapes.
Nakapaloob din dito na gawing libre sa Value-Added Tax (VAT) ang mga gamot para sa sakit sa Puso, Diabetes, at Cholesterol, kasama rin ang gamot para sa Mental Health, Cancer, Tuberculosis, at Kidney Diseases.
Ang panukala ay inaasahang makakapaglikha ng 22 bilyong piso para sa gobyerno.
Matatandaang niratipikahan na ng Kongreso ang panukala at hawak na ito ng Malacañang para malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.