Kahalagahan ng teknolohiya sa pag-iimbestiga, ipinaliwanag sa isinagawang 16th CEO Breakfast Forum ng BCYF

Ipinaliwanag ng mga eksperto mula sa Deloitte Philippines ang kahalagahan ng teknolohiya sa isinasagawang imbestigasyon sa anumang krimen lalo na’t may kinalaman sa cyber security.

Sa isinasagawang 16th CEO Breakfast Forum ng Benita & Catalino Yap Foundation (BCYF) katuwang ang Management Association of the Philippines (MAP) at Deloitte, ipinaliwanag ni Darren Cerasi ng Deloitte Forensic Asia-Pacific (APAC) Region na mas mapapabilis at malalaman ang mga mahahalgang impormasyon sa pamamagitan ng makabagong teknolihiya.

Aniya, sa pamamagitan ng nasabing teknolohiya, hindi na mahihirapan pa na malaman ang resulta sa ginagawang imbestigasyon lalo na kung ang online o cyber issue ang pag-uusapan.


Bukod dito, magiging madali rin ang pagproseso sa mga korte kung made-develop pa ang kasalukuyang teknolohiya na ginagamit sa sistema ng hustisya ng bansa.

Dagdag naman ni Neal Ysart ng Deloitte Forensic Philippines, nararapat lamang din daw na mapalakas pa o mapaganda ang sistema upang hindi mahuhuli ang gobyerno gayundin ang pribadong sektor upang maging ligtas sa isyu ng cyber security.

Giit pa ng dalawa, sakaling mapalakas pa ang sistema, mapoprotektahan nito ang datos ng bawat indibidwal, kompanya o mga dokumento.

Sa ganitong paraan ay magiging kampante ang publiko at magkakaroon ng mas malaking tiwala sa sistema na ipinapatuad sa usapin ng paggamit ng makabagong teknolohiya.

Mismong si BCYF Chairman Tony Yap ang nanguna sa 16th CEO Breakfast Forum kung saan dumalo rin dito sina Dir. Richard Burgos ng Department of Science and Technology (DOST), Brig. Gen. Arvin Lagamon, commander ng Armed Forces of the Philippines o AFP’s Civil Relations Service (CRS), Atty. Friedieric Landicho ang Managing Partner and Chief Executive Officer ng Deloitte Philippines at iba pa.

Facebook Comments