Pinasisilip nina Senators Christopher “Bong” Go at Robin Padilla ang kahandaan ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng sakit na monkeypox sa bansa.
Ito’y makaraang maitala ang isang kaso ng monkeypox sa Pilipinas na kinumpirma kamakailan sa palasyo ng Malacanang.
Sa Senate Resolution 85 ay inaatasan nina Go at Padilla ang Senate Committee on Health and Demography na magsagawa ng pagsisiyasat tungkol sa paghahanda ng bansa para mapigilan at makontrol ang pagkalat ng sakit na monkeypox na idineklara na ng World Health Organization (WHO) na isang public health emergency.
Layunin ng imbestigasyon na maiwasan ang ‘overburdening’ sa healthcare system tulad ng nangyari noon sa COVID-19 kung saan napuno ang mga pagamutan sa dami ng pasyenteng nagkakasakit.
Nakasaad sa resolusyon ang pangangailangan na ma-evaluate ang kahandaan ng pamahalaan na epektibong mapigilan ang pagkalat ng monkeypox sa bansa lalo na’t kasalukuyan pa lang na bumabangon ang bansa at ang ekonomiya mula sa adverse impacts ng COVID-19 pandemic.