*Cauayan City, Isabela*- Arestado ang kahera ng isang botika sa ikinasang entrapment operation matapos magbenta ng alcohol na sobra sa nakatakdang Suggested Retail Price (SRP) bandang 11:35 kahapon, April 13, 2020 sa Brgy. Ugac, Tuguegarao City, Cagayan.
Kinilala ang suspek na si Roxanne Tiwag, 30 anyos, walang asawa, college graduate at residente ng Brgy. Sampaguita, Solana, Cagayan.
Dinakip ang suspek ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Cagayan, CIDG RSOT, Tuguegarao CPS, Cagayan PPO sa koordinasyon ng DTI at FDA Regional Office 2.
Ayon sa mga awtoridad, naaktuhan na nagbebenta ng isang galon ng 70% alcohol solution 5 in 1 na nagkakahalaga ng P750.00 taliwas sa orihinal na presyo nito na P520.00.
Nakumpiska sa suspek ang isang galon ng alcohol; 79 box ng Alcohol na naglalaman ng apat (4) na galon bawat karton at P1,000.00 na buy-bust money.
Sinampahan na ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10623 (Price Act) at RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.