Nakatakdang magpulong bukas sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
Kaugnay ito sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng NBI sa mga naging banta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez noong nakaraang taon.
Sa ambush interview, sinabi ni Remulla na posibleng bukas pag-usapan nila kung ano ang susunod na magiging hakbang kaugnay sa imbestigasyon.
Tumanggi naman si Remulla na tukuyin kung diretso na ito sa preliminary investigation o kung may matibay na case build-up na ang NBI.
Matatandaang matapos ang pagbabanta ay sinilbihan ng subpoena si Duterte para magpaliwanag pero hindi ito humarap sa tanggapan ng NBI.