Nasa Commission on Elections (Comelec) pa rin ang “final say” kung uusad o hindi ang isinusulong ngayon na People’s initiative na layong baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng Charter Change.
Ito ang nilinaw ng ahensiya, sa gitna pag-iikot ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng ilang grupo para mangalap ng pirma ng mga sumusuporta sa Cha-Cha.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Comelec Chairman Atty. George Garcia na hindi rin agad aaksyunan ang mga petisyon sakaling dumating sa kanila.
“Yun nga po, nababalitaan natin na may mga nagpapa-pirma. ‘Yan po ay pagka na-i-file po sa amin ay unang una po naming gagawin ay hindi muna naming aaksyunan yung mga signatures. Aalamin muna namin, teka muna, supisyente ba ‘yan in form and substance? Ibig sabihin nakalakip ba diyan ‘yung dapat i-lakip? Nakalagay ba diyan ‘yung mga alegasyon na dapat ay hanapin namin base sa umiiral na patakaran sapagkat kung ‘yung petisyon nila ay hindi rin po compliant sa aming patakaran, kaagad po naming idi-dissmis ang petisyon na ‘yan.”
Paglilinaw pa ni Garcia, sakaling maabot ang target na bilang para sa People’s Initiative ay hindi agad ito awtomatikong mababago ang konstitusyon.
Samantala, nilinaw naman ni Atty. Dezery Perlez, legal counsel ng People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA) na nagsusulong ng Cha-cha na wala silang kinalaman sa mga nangyayaring pamimigay ng pera kapalit ng pagpirma ng bawat residente.
Sa ngayon din daw ay nangangalap pa sila ng mga suhestiyon sa taumbayan kung ano ang gusto nilang baguhin sa konstitusyon.
“Nasa initial stage pa lamang po kami, inaalam pa lamang ho namin sa mga taumbayan kung ano ho ang sa tingin nilang dapat baguhin. So ngayon ho, it’s too early kung anong mga provisions ang dapat baguhin or kung ano ‘yung mga dapat i-dagdag sir.” Ani Perlez.