Ipagpapatuloy pa rin ng Department of Social Welfare and Development ang kanilang programa na pamimigay ng mga serbisyo at payout ng cash grants para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Assistance to Individuals in Crisis Situation kahit na sa panahon ng eleksyon.
Ang pahayag ay ginawa ng DSWD matapos katigan ng Commission on Election ang kanilang kahilingan na payagan ang ahensiya na gawing exempted ang mga nakagawian na nilang programa lalo na ang paglalabas at paggamit ng pondo.
Naglabas na ng resolusyon ang Comelec ukol dito nitong nakalipas na araw.
Hiniling din ng ahensiya na magkaroon ng kapangyarihan para maipagpatuloy ang ongoing disaster relief operations, early recovery at rehabilitation efforts .
Pagtiyak naman ng DSWD sa publiko na maayos nilang imomonitor ang implementasyon ng mga programa at serbisyo upang maiwasan na magamit ng mga politiko sa kanilang pangangampanya ngayong halalan.