Ibinasura na ng Korte Suprema ang kahilingan ng ABS-CBN Corporation na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) sa Cease and Desist Order (CDO) na pinalabas ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ang desisyon ay ginawa ng mga mahistrado sa ginanap kanina na virtual en banc session kung saan labing apat na mahistrado ang bumoto para ibasura ang kahilingang TRO ng ABS-CBN.
Ayon sa Korte Suprema, “moot and academic” na ang petisyon ng ABS-CBN dahil nagdesisyon na ang Kongreso na huwag bigyan ng franchise extension ang kumpanya.
Una nang naghain ang ABS-CBN ng petition for certiorari and prohibition na humihirit ng TRO para ipatigil ang cease and desist order ng NTC.
Una na ring iginiit ng NTC sa kanilang komento sa Korte Suprema na hindi sila nagmalabis sa kanilang kapangyarihan nang mag-isyu ng CDO noong May 2020, na nagpapahinto sa operasyon ng ABS-CBN.