KAHINA-HINALANG BAG │Biyahe ng Cebu Pacific, 2 oras na delay

Manila, Philippines – Halos dalawang oras na na-delay ang flight ng Cebu pacific kanina dahil sa kahina-hinalang backpack sa loob ng eroplano nito sa NAIA Terminal 3.

Ayon kay Charo Logarta, tagapagsalita ng Cebu Pacific, nakasakay na ang mga pasahero ng flight 5J 963 na may orihinal na departure time na alas siete ng umaga at patungong Davao.

Nag-rounds o umikot ang mga flight attendant at doon natagpuan ang isang pink na backpack, subalit walang umaangkin dito kaya nagpatupad ng security protocol.


Pinababa ang lahat ng mga pasahero para magsagawa ng security inspection.

Doon na napag-alaman na umalis lamang ang ‘di pinangalanang pasaherong nagmamay-ari ng bag dahil may kailangan pang ayusin sa check-in counter.

Nabatid na isang ground staff ang nag-akyat ng handcarry bag sa eroplano.

Na-reschedule ang flight ng 8:30 ng umaga at natuloy rin ang paglipad nito.

Humihingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng cebu pacific sa mga naantalang pasahero, kasabay ng paliwanag na ginawa nila ang mga naturang hakbang para sa seguridad ng kanilang mga biyahe.

Facebook Comments