Bukod sa pangalang ‘Mary Grace Piattos’ ay lumutang din sa pagdinig ngayon ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang iba pang kaduda-dudang pangalan na nakasaad sa mga liquidation documents para sa ginastos na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Pangunahin dito ang pangalang ‘Kokoy Villamin’ na parehong nakasaad sa acknowledgement receipts kaungay sa confidential funds ng OVP at DepEd na may kabuuang halaga na ₱612.5 million.
Napansin sa pagdinig na magkakaiba ang sulat-kamay at pirma para sa pangalang ‘Kokoy Villamin’ sa mga liquidation document na isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA).
Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, hindi na ito kapani-paniwala na sinang-ayunan ni COA Intelligence and Confidential Funds Auditor Gloria Camora lalo’t magkakaiba ang sulat kamay at pirma ng nasabing ‘Kokoy Villamin.’
Magugunitang sa mga nakaraang pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, bukod sa Mary Grace Piattos ay napuna rin ng mga kongresista ang iba pang kadudang pangalan tulad ng Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, at Reymunda J. Nova.