Kahinaan ng bawat rehiyon sa pagharap sa krisis, nailantad ng COVID-19 ayon sa isang civil society group

Malinaw umano na nailantad ng COVID-19 pandemic ang kawalan ng sapat na kakayahan ng bawat rehiyon sa bansa para harapin ang isang malaking krisis.

Ito ang ipinahayag ng civil society group na Constitutional Reform and Rectification for Economic Competitiveness and Transformation (CoRRECT).

Ang CoRRECT Movement ay isang political advocacy group na may layuning bigyang kamalayan ang mga Pilipino sa kahalagahan ng economic liberalization.


Ayon kay Orion Perez, taga-pamuno ng CoRRECT, may kahinaan ang Konstitusyon partikular sa pagsesentro sa pambansang gobyerno ng lahat ng pondo at development projects dahilan upang mapahina ang kakayahan ng ibang rehiyon na makarekober sa panahong may mahabang panahon ng community quarantine.

Aniya, kung naikalat lamang ang yaman at mga malalaking proyekto sa mga rehiyon sa halip na naisentro sa Metro Manila, hindi sana buong ekonomiya ang napilayan sa panahon ng lockdown.

Panahon na aniya na ibigay sa mga lokal na pamahalaan ang pagbibigay hugis sa kanilang mga programa na magpapalakas sa kanilang kabuhayan.

Sakaling maisakatuparan ito, mapapadali nang yakapin ang Balik-Probinsiya na programa ng gobyerno.

Hamon ng grupo, dapat nang madaliin ang mga reporma sa saligang batas upang mapaandar ang rapid economic recovery sa sandaling matapos na ang public health crisis.

Facebook Comments