Naniniwala si presidential candidate Senator Panfilo “Ping” Lacson na kahinaan ng tao sa gobyerno hindi ng sistema ang pangunahing ugat ng korapsyon sa pamahalaan.
Ginawa ni Lacson ang pahayag sa ikalawang presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) kung saan tinanong ang lahat ng kandidato kung ang korapsyon ba ay kahinaan ng tao o ng sistema at kung ano ba ang solusyon dito.
Ayon kay Lacson, maraming magagandang batas na naipasa at mga institusyon na existing na at ang kahinaan na nagiging ugat ng kurapsyon ang mga tao sa gobyerno.
Inihalimbawa pa ni Lacson ang kanyang natutunan sa kanyang pag-aaral noon sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan napaka-importante ng ‘leadership by example.
Aniya, kapag ang namumuno ay hindi kayang gawin ang kanyang ipinag-uutos sa kanyang mga tauhan malabo itong magtagumpay sa paglaban sa korapsyon.
Ipinunto pa ni Lacson na mayroon tayong Anti-Red Tape Authority (ARTA), Ombudsman, Government Procurement Act, Philippine Competition Act at napakarami pang batas para sugpuin ang korapsyon subalit ang problema ay ang implementasyon dahil ang taong nagpapatupad nito ay palpak.
Inihalimbawa pa ni Lacson na ugat ng korapsyon ay mga proyekto ng mga kalsada sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan substandard ang materyales na ginagamit sa paggawa kaya’t madali itong masira dahil walang nag-a-audit.
Binigyang diin pa ni Lacson na kung siya ang namumuno ay ipapa-drill niya ang kalsada at malalaman kung substandard ang materyales at kakasuhan ang contractor pati na rin ang kanyang proponent para pareho silang makulong dahil sa korapsyon.