Manila, Philippines – Bagamat hindi nabanggit sa ikalawang State of the Nation Address ng Pangulong Duterte, kabilang pa rin ang pagbuwag sa kontraktwalisasyon at dagdag na sahod sa ipaprayoridad ngayong 2nd regular session ng 17th Congress.
Kabilang ang EndO at Salary Standardization Law 4 sa tatlumpu’t limang panukala na tututukan ngayong pagbabalik sesyon.
Target ng Kamara at Senado na mapagtibay ang EndO at SSL4 sa unang tatlong buwan ng 2nd regular session.
Nangunguna naman sa priority measures ang charter change para mabago ang sistema ng gobyerno at ang Bangsamoro Basic Law na magsasaligal ng peace agreement ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front bukod pa sa taunang top priority na maipasa agad ang pambansang pondo.
Kasama din sa prayoridad ang Traffic and Congestion Crisis Act pati ang National ID system.
Ang Anti-Terrorism Law o National Security Act ay nais na maipasa din sa unang tatlong buwan ng second regular session habang ang tax reform bill balak ng senado na mailusot sa unang quarter din bagamat nakapasa na ito sa Kamara.
Nakahanay din ang Philippine Mental Health Act at Enhanced Universal Healthcare act maging ang National Land Use Act.