Ine-evaluate na ng Food and Drug Administration (FDA) ang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese firm na Sinovac kahit hindi pa ito naaaprubahan ng Ethics Review Board.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang evaluation ay above board at preliminary ngayong nakakuha na ang Sinovac ng approval mula sa Vaccine Experts Panel (VEP) sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) para mapabilis na rin ang proseso habang hinihintay ang approval ng ethics board.
Sa kabila nito, tiniyak ni Vergeire na di aabrupabahan ng FDA ang Sinovac nang walang approval mula sa ethics board.
Ang VEP ng DOST ang nagre-review ng phase 1 at phase 2 clinical trials ng candidate vaccine, habang ang ethics board naman ang sumusuri sa pagpili ng participants para sa human clinical trials, at iba pang safeguards na ibibigay ng vaccine manufacturer sa mga lalahok.
Una nang sinabi ng Malacañang na ang COVID-19 vaccine ng Sinovac ang nananatiling top pick ng bansa para sa immunization program sa kabila ng bribery claims laban sa Chinese-based firm.
Sa ngayon ay isinasapinal na ng pamahalaan ang pakikipag-negosasyon sa Sinovac Biotech para sa pagbili ng bansa ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay National Task Force Against (NTF) COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., 25 million doses ng bakuna ang bibilhin ng Pilipinas sa China sa 2021.