Bagaman hirap maglakad, pinilit ng isang dating guro na person with disabilities (PWD) na magtungo sa city hall ng Imus, Cavite upang makuha ang tulong pinansyal na galing sa social amelioration program ng DSWD.
Ayon kay Roy Moral, hindi raw pumayag ang mga kawani ng CSWD na ibigay sa kaniyang misis ang ayuda kahit ipinakita na nito ang video at dokumentong magpapatunay na isa siyang PWD.
Base sa medical records, hindi na raw nakakalakad ng matagal si Moral dulot ng kondisyong Ankylosing Spondylitis o pamamaga ng gulugod.
Dahil tigil-operasyon rin ang transportasyon bunsod ng enhanced community quarantine, humiram na lang muna ng ambulansiya at stretcher ang PWD para lamang makarating sa opisina sa CSWD.
Hindi naman napigilang mainis at magalit ni Moral nang matanggap ang cash assistance mula sa kawani ng munisipyo.
“Pera na po ng tao ayaw nyo pang ibigay,” hinanakit ng PWD.
Ang kalunos-lunos na karanasan, ibinahagi ng lalaki sa social media noong Abril 25 na umani ng halos 3,000 reactions.
Giit pa ng PWD, hindi na dapat siya pinapalabas ng bahay sanhi ng pre-existing ailment na kadalasang pinupuntirya ng COVID-19.
Wala pang inilalabas na reaksyon ang lokal na pamahalaan at DSWD tungkol sa reklamo.
https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=231099931481537&id=100037445947426