Mahaharap pa rin sa court martial proceeding sa Estados Unidos si US Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na pumatay sa Filipino transgender na si Jennifer Laude noong 2014.
Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, ipinangako ito ng Estados Unidos noong kasagsagan pa lang ng pre-trial ni Pemberton.
Sa pamamagitan aniya nito ay malalaman kung mayroon pang karagdagang parusa na ipapataw kay Pemberton at kung mananatili pa ito sa kaniyang serbisyo bilang sundalo.
Kasabay nito, kinontra ng Malakanyang ang pahayag ni Gng. Julita Laude na sinira ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nauna nitong pangako sa kanilang pamilya.
Ayon kay Roque, bilang dating abogado ng pamilya Laude, walang siyang matandaan na nakaharap ng Pangulo ang pamilya ni Jennifer, maliban sa nagpaabot ng tulong pinansiyal ang Presidente sa pamilya Laude na hindi na nito isinapubliko.
Si Pemberton ay nakaalis na ng Pilipinas kahapon ng umaga patungong Japan at may connecting flight naman patungong Amerika.