Nasamsam ng awtoridad ang ilang kahon at sako ng iba’t-ibang materyales at uri ng paputok sa isang manggahan sa Calasiao, Pangasinan.
Sa naging operasyon, nakumpiska ng awtoridad ang dalawang kahon ng dinamita, isang kahon ng paputok na “sinturon ni hudas”, at kalahating kahon ng “five star”, pawang mga ilegal na paputok na ipinagbabawal gamitin at ipagbili sa publiko.
Kabilang rin sa nakumpiska ang labindalawang sako at isang plastic ng case ng paputok at fuse o gatilyo para sa mga ito.
Nakatakas naman ang suspek na may-ari ng mga kagamitan nang matunugan ang pagdating ng kapulisan sa lugar.
Nasa kustodiya na ng Calasiao Police Station ang mga paputok para sa tamang disposisyon.
Ang naturang ilegal na aktibidad ay paglabag sa RA 7183 o ang Law on Pyrotechnic Devices.










