Inihayag ng Pinoy seven-footer na si Kai Sotto na hindi pa ito ang katapusan matapos na walang koponan na kumuha sa kaniya sa ginanap na 2022 NBA Draft kahapon.
Sa tweet ng 20-anyos na si Sotto, pinasalamatan niya ang lahat ng sumuporta sa kanya at hindi aniya ito titigil hanggang sa maabot ang kanyang pangarap na makapasok sa NBA.
Ang Pinoy bigman sana ang kauna-unahang homegrown Filipino na makapaglalaro sa NBA kung may koponan na kumuha sa kaniya sa ginanap na “draft” kung saan pumipili ang mga NBA team ng mga rookie o baguhang players.
Kasabay nito, nilinaw ni Sotto na wala pang pinal na desisyon kung maglalaro ba siya o hindi sa NBA Summer League.
Nabatid na si Paolo Banchero ang naging overall first pick sa NBA draft, na kinuha ng Orlando Magic.
Samantala, maraming mga Pinoy fans naman ang labis na nadismaya matapos hindi nakuha sa NBA Draft si Kai.
Naging top trending topic din si Sotto dahil sa pagbuhos ng mga panawagan at suporta ng mga Pinoy fans sa iba’t ibang dako ng mundo.