Kaibigan ni Jemboy Baltazar na napatay ng PNP-Navotas dahil sa ‘mistaken identity’, umamin sa Senado na sinaktan at pilit na pinapirma sa isang imbentong affidavit

Tatlong beses na sinuntok sa tagiliran at tinuruan pang magsinungaling ng mga pulis ang kaibigan ng napatay ng Philippine National Police o PNP-Navotas na si Jemboy Baltazar.

Sa pagdinig ng Senado, tinanong ni Senator Risa Hontiveros si alyas “Sonny Boy” kung sinaktan ba siya ng mga pulis at ang naging tugon nito ay sinuntok siya ng malakas at tatlong beses ng isang hindi pa matukoy na pulis nang dalhin na siya sa presinto.

Sa pagkakalarawan pa ni Sonny Boy, ito ay maliit na lalaki na may bigote, bagay naman na itinanggi ng lider ng operasyon na si Police Captain Mark Joseph Carpio na wala siyang pulis o asset na ganoon ang itsura.


Pinakitaan umano siya ng sumuntok sa kanya ng mga larawan ng mga nangho-holdap sa lugar at kung may kakilala siya sa mga ito.

Aniya pa, pinapaamin din siya ni Staff Sgt. Gerry Maliban na kung hindi aamin kung may kilala sa mga nangho-holdap ay hindi na raw siya aabutan ng kanyang mga magulang.

Bukod dito, pinapalagda rin sa kanya ang isang affidavit na iba sa nauna niyang isinumiteng salaysay.

Kabilang aniya sa pinadadagdag sa kanya sa affidavit ay ilagay na may dalang baril at droga si Jemboy noong mangyari ang insidente bagay na pinabulaanan naman ng mga pulis.

Samantala, lifted na o binawi na ng Senate Committee on Public Order ang contempt order sa tatlong pulis na sina Carpio, Maliban at Captain Juanito Arabejo.

Ipinauubaya na ni Committee Chair Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa PNP ang tatlo at ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga ito.

Facebook Comments