KAKAIBA | Traffic policeman sa Thailand, nakaisip ng simpleng paraan para turuan ang mga bata at mga magulang na sumunod sa traffic rules

Thailand – Isang simple at nakakatuwang paraan ang ginawa ngayon ng isang traffic policeman sa Thailand para maging epektibo ang pagtuturo nito ng road safety at traffic rules sa mga kabataan at magulang.

Deadma lang para kay Sergeant Tanit Bussabong ang init ng panahon at kantiyaw ng mga dumaraan dahil sa kaniyang mga agaw-pansing costume.

Ayon kay Bussabong, mayroon siyang nasa 20 iba’t-ibang costume na ginagamit kapag nagmamando ng trapiko sa labas ng isang kindergarten sa Nakhon Nayok.


Pinakapatok sa mga bata ay ang costume niyang berdeng dinosaur na “T-rex” kung saan tila nakasakay siya dito.

Ikinatuwa naman ni Bussabong ang resulta dahil mas natututo na ang mga bata at mga magulang na sumunod sa traffic rules sa kanilang lugar at nire-respeto na din nila ang mga otoridad.

Facebook Comments