Upang masiguradong hindi maliligaw sa pagpili ng nararapat na presidente sa loob ng susunod na anim na taon, pursigidong nagbayanihan sa pangangampanya para kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson ang kanyang mga lehitimong tagasuporta.
Iba’t ibang mga pamamaraan ang ginamit ng solid Lacson supporters na boluntaryong nangampanya at ipinakita ang kanilang presensya hindi lamang sa mga komunidad ngunit maging sa social media.
Sa Iloilo, nagsagawa ng ‘Believers Caravan’ ang mga miyembro ng Lacson-Sotto Support Group (LSSG) noong Marso 25. Suot nila kanilang puting t-shirt na nagsasaad ng pangalan ni Lacson at numero 5 sa balota.
Namahagi rin ang LSSG Iloilo chapter ng mga face mask, poster, tarpaulin at iba pang campaign material na naglalaman ng mensahe para sa maayos na gobyerno ng tambalang Lacson-Sotto. Marami ring mga supporter ang proud na ipinakita ang kanilang Ping Lacson ‘SpeakCups’ mula sa 7-11.
Sa Pampanga naman, pinangunahan ni retired police Gen. Wilfredo Dulay kasama ni barangay captain Francisco Cura ang ground campaign operations para kay Lacson sa Brgy. Pulung Cacutud, Angeles City.
Ayon kay Dulay, nagbibigay sila ng kaalaman sa mga botanteng Kapampangan hinggil sa mga pangunahing adbokasiya ni Lacson gayundin ang kanyang mga kakayahan, upang maipaunawa sa kanila kung bakit siya ang pinaka-kuwalipikado para maging susunod na pangulo.
Ganito rin ang ginagawa ng mga miyembro ng LSSG sa Rizal. Sa isang video sa social media hinimok ni Arnold Salinas ang mga Pilipino na piliin si Lacson bilang kanilang top choice sa pagkapangulo, imbes na alternatibong kandidato.
“Malapit na po ang halalan. Dapat piliin niyo ay legit. Si Ping ay may tapang, matulungin, may isang salita, may paninindigan, at higit sa lahat hindi kurakot. Kaya mga kababayan, sa darating na eleksyon, huwag niyong sayangin ang inyong boto. Ping Lacson na for president!” saad ni Salinas.
Ang pagbuhos ng suporta mula sa mga ordinaryong Pilipino ang nagpapalakas kay Lacson para ipagpatuloy ang kanyang kandidatura, kahit pa humiwalay na siya sa Partido Reporma para maging independent candidate.
“Parang nabuhayan instead na napilayan,” pahayag ni Lacson sa isang press conference sa campaign sortie nila ni Sotto Zamboanga City nitong Miyerkules.
Una nang sinabi ni Lacson na mas nakahinga siya nang maluwag imbes na makaramdam ng pagkabigo, ngayong wala na siyang kinaaanibang partido. Aniya, sanay na siyang makipagsapalaran nang mag-isa sa giyera laban sa korapsyon at tradisyunal na pulitika sa Pilipinas. Pero dahil sa mga taong kumakampi sa kanya ngayon ay nagkakaroon siya ng pag-asa.