Kakapusan sa pampublikong sasakyan, nagbabadya kung hindi ibabalik ang mga lumang ruta ng mga PUV bago ang pasukan

Positibo ang mga jeepney driver at operators na sa lalong madaling panahon ay makababalik na sila sa kanilang mga lumang ruta.

Ito ay makaraang hilingin ng ilang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na makabalik na silang lahat sa pamamasada upang higit na makapagserbisyo sa gitna ng pagbabalik ng face-to-face classes sa agosto.

Ayon kay Pasang Masda National President Ka Obet Martin, 30% pa ng mga rutang isinara noong pandemya ang hindi pa nabubuksan kabilang ang nasa Commonwealth Avenue sa Quezon City at University Belt sa Maynila.


Aniya, kung hindi ito aaksyunan ng LTFRB bago ang pasukan ay tiyak na kakapusin tayo sa mga pampublikong sasakyan lalo’t makikipagsabayan na rin sa iba pang mga pasahero ang mga mag-aaral.

“Napakaganda ng napag-usapan namin, very fruitful sapagkat ayon kay Chairwoman Garafil, pabubuksan nila sa lalong madaling panahon yung mga nahintong jeep na hindi nakabiyahe noong nakaraang administrasyon,” ani Martin sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.

“Ang akin namang layunin dito e masilbihan natin ang mga mananakay nating estudyante sa pagbubukas ng klase,” dagdag niya.

Facebook Comments