Aklan – Naghain ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman laban sa 17 opisyal ng lalawigan ng Aklan dahil sa umano ay kapabayaan sa isla ng Boracay.
Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo sina Aklan Governor Florencio Miraflores, Malay Aklan Mayor Ciceron Cawaling, Vice Mayor Abram Saulog at mga miyembro ng sangguniang bayan.
Giit ni DILG Undersecretary Epimaco Densing, nadiskubre nilang sa 2,269 na mga establisyimento sa isla ay 95 lang ang may rehistro at may mga permit.
Aniya, kalahati ng nasabing bilang ay walang mayors permit habang 360 sa mga ito ay walang environmental compliance certificate.
Mahigit isang libo rin aniya sa mga establisyimento ang hindi rehistrado sa SSS, BIR at Pag-IBIG.
Ayon pa kay Densing, hiniling rin nila sa Ombudsman na suspendihin muna ang 17 lokal na opisyal para hindi maimpluwensiyahan ang gagawing imbestigasyon.
Sabi pa ni Densing, paiimbestigahan na rin nila sa Commission on Audit (COA) ang environment tax na sinisingil sa mga turista.