Manila, Philippines – Sasampahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng kasong administratibo ang barangay chairman at ilang miyembro ng konseho na sangkot sa pambubogbog sa 16-anyos na binatilyo sa Sta. Cruz Maynila.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na tiyak din na masususpendi sa kanyang tungkulin si Chairman Felipe Falcon Jr. ng Barangay 350 at limang iba pa kapag nagsampa ng kaso ang biktima sa Ombudsman.
Aniya, hindi papayagan ng DILG ang ganitong mga pang-aabuso lalong-lalo na ang mga elected officials na dapat ay ipinakikita ang pagiging tunay na public servant at walang pang-aabusong ginagawa.
Kaugnay nito, nanawagan si Año sa barangay chairman at mga tauhan nito na sumuko na sa pulisya at harapin ang kanilang kaso.
Tiniyak ng DILG chief na bibigyan siya ng due process alinsunod sa batas.
Si Falcon ang itinuturong nanggulpi sa 16-anyos na binatilyo noong Nobyembre 3 ng taong kasalukuyan.