Manila, Philippines – Balak ng kampo ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo na kasuhan ang ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) dahil sa umano ay mga inimbentong kaso laban sa kanila.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, gagawa sila ng legal na hakbang laban sa mga may pakana sa mga gawa-gawang kaso laban kina Ocampo, ACT Teachers Partylist Representative France Castro at 16 na iba pa.
Matatandaang hinuli ng mga awtoridad sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte ang grupo nina Ocampo dahil sa pagsama sa 14 menor de edad nang wala umanong paalam sa mga magulang.
Giit ni Zarate, hindi na kailangan ng “parental consent” ng mga batang kasama nina Ocampo dahil kasama ng mga ito ang mga guro nila.
Sa press briefing, nanindigan naman sina Ocampo at Castro na humanitarian mission ang pakay nila sa Lumad schools sa Davao del Norte.
Magdadala lang anila sila ng mga pagkain at iba pang supply sa mga batang Lumad sa Salugpungan School dahil may mga grupong paramilitary na humaharang sa mga suplay na para sa mga estudyante at guro roon.
Sabi pa ni Ocampo, ilang beses din nilang sinubukan na humingi ng pahintulot mula sa mga lokal na opisyal na pumunta sa naturang paaralan pero wala silang natanggap na tugon.