KAKASUHAN | Makabayan, maghahain ng kaso vs Galvez

Manila, Philippines – Maghahain ng kaso sa Office of the Ombudsman ang Makabayan bloc ng Kamara laban kay AFP Chief of Staff Carlito Galvez.

Ito ay matapos sabihin ni Galvez na mga aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA) sina ACT Teachers Partylist Representative France Castro at dating Bayan Muna Partylist Representative Satur Ocampo.

Ayon kay Anakpawis Partylist Representative Ariel Casilao, delikado at walang basehan ang pahayag ni Galvez.


Giit naman ni Castro, inilagay ni Galvez sa peligro ang kanyang buhay.

Bukod dito, sabi ni Castro, gagawin din nilang basehan sa paghahain ng kaso laban kay Galvez ang pag-uugnay nito sa kanilang grupo sa ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte na tinaguriang Red October plot.

Matatandaang kinulong ng apat na araw sina Castro at Ocampo sa Talaingod, Davao dahil sa kasong kidnapping, child abuse at trafficking dahil sa pagsama nila sa mga menor de edad nang wala umanong paalam sa mga magulang.

Pero nanindigan sina Ocampo at Castro na humanitarian mission ang pakay nila sa Lumad schools sa Talaingod.

Facebook Comments