Manila, Philippines – Pormal nang kakasuhan bukas ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga indibidwal na sangkot sa pagpupuslit ng apat na magnetic lifters na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P11-billion.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PDEA Chief Director General Aaron Aquino na bandang alas diyes bukas ay isasampa nila ang kaso sa Department of Justice.
Gayunman, tumanggi ang PDEA Chief na sabihin kung ilan at kung sino ang nakatakda nilang kasuhan.
Pero tiniyak niya na marami ang indibwal na kanilang sasampahan ng asunto.
Sinabi pa ni Aquino na may hiwalay na kaso rin na isasampa ang National Bureau of Investigation sa susunod na mga araw.
Ayaw ring kumpirmahin ni Aquino kung kasama sa mga kakasuhan sina dating PDEA Deputy Director General for Administration Ismael Fajardo at dating Customs Chief Isidro Lapeña.
Una nang sinibak ni Aquino si Fajardo matapos mabunyag na kasama ito sa nagplano kung paano maipuslit sa bansa ang mga magnetic lifters na may shabu.