Manila, Philippines – Aabot sa isandaang milyong piso ang hindi nababayarang renta ng mga airline companies sa “hangar” o ang pasilidad na ginagamit para sa housing ng aircraft o eroplano.
Ito ang kinumpirma ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal sa ginawang pagdinig ng House Committee on Transportation.
Ayon kay Monreal, maraming gumagamit ng “hangar” na delingkwente sa pagbabayad ng renta.
Sa kabila ng mga babala ng MIAA ay patuloy pa rin umano ang mga airlines sa paggamit ng “hangar” pero nagsimula nang gumawa ng aksiyon laban sa mga ito ang MIAA.
Dahil dito, kinalampag ni Speaker Pantaleon Alvarez ang MIAA na kasuhan ang mga rumirenta ng hangar na hindi naman nagbabayad.
Dagdag pa dito, hindi na rin aniya dapat bigyan ng ID ang mga ito para hindi na makapasok at makagamit ng pasilidad.