Kakayahan at kapasidad ng isang ahensya sa paggamit ng pondo, ikinonsidera sa pagtapyas ng budget

Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na ikinonsidera sa pagbawas ng pondo sa ilang ahensya ang kakayahan at kapasidad ng isang ahensya na gamitin ang kanilang pondo.

Matatandaang umalma ang Department of Education (DepEd) matapos na tapyasan ng P12 billion ang 2025 budget ng ahensya.

Ayon kay Escudero, kailangang maging maingat ang Kongreso pagdating sa budget allocations.


Bago aniya nagdedesisyon ang mga mambabatas ay tinitingnan din dito ang kakayahan at kapasidad ng ahensya na gamitin ang kanilang pondo at hindi lang ang purpose ng pondo.

Ibinigay na halimbawa pa ni Escudero ang pagkain ng magkaibigan sa buffet na kapag napansing mahina kumain ang kasama ay tiyak sa susunod “set meal” na lamang ang oorderin dahil nasasayang ang gastos.

Ang pagiging takaw mata sa sitwasyong ito ay magreresulta sa pagkawala ng daang piso na kung ikukumpara naman sa pambansang budget ito ay katumbas ng bilyon-bilyong piso pagkalugi.

Ipinunto ni Escudero na mula 2022 hanggang 2024 ay nasa kabuuang 70 percent o P51.5 billion ang hindi nagastos ng DepEd sa ilalim ng kanilang computerization program.

Facebook Comments