Manila, Philippines – Iginiit ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na kailangang madaliin ang pagpapabuti sa industriya ng telecommunications sa bansa.
Hinggil dito ay umaasa si Enrile na higit na tututukan ang kakayahan ng Mislatel Consortium, na napiling 3rd telco, na matupad ang pagpapabuti sa serbisyo ng telco industry kumpara sa mga problemang teknikal o legal nito.
Ayon kay Enrile, anumang isyung teknikal o legal laban sa Mislatel Consortium ay maaring gawan ng paraan upang maituloy na nito ang operasyon para sa kapakinabangan ng bayan.
Subalit nagbabala rin si Enrile na kung hindi matupad ng Mislatel ang pangako nitong higit na mapabilis ang internet o data connection sa bansa ay kailangan itong agad na palitan.
Ginawa ni Enrile ang pahayag sa harap ng pagkwestyon sa bisa ng prangkisa ng Mislatel at hindi nito pagkuha sa permiso ng Kongreso sa ginawang paglilipat ng controlling stake.
Pero sa kabila nito, ay ipinasa pa rin ng Senado ang House Concurrent Resolution no. 23 na sumasang-ayon sa pagpapalit ng controlling stake sa nasabing Consortium na siyang nagbibigay ng go signal sa operasyon ng Mislatel.