Nagsama-sama ang 31 barangay librarians sa Dagupan City upang talakayin ang mga accomplishment at ilatag ang mga bagong hakbang para higit pang mapahusay ang reading proficiency ng mga kabataang Dagupeño.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang pagpapatuloy at pagpapalakas ng storytelling at reading intervention activities upang matiyak na ang mga bata sa Dagupan ay marunong umintindi, magsulat, at magbasa. Layunin ng programa na mapataas hindi lamang ang kakayahang bumasa kundi pati ang mas malalim na pag-unawa ng mga mag-aaral.
Kasabay nito, magsasagawa rin ng inspeksyon at pagsasaayos sa mga barangay libraries at daycare centers sa iba’t ibang barangay upang masigurong maayos, ligtas, at kaaya-aya ang mga pasilidad para sa pagkatuto ng mga bata.
Isinama rin sa programa ang integrasyon ng Oplan B.I.D.A, kung saan tuturuan ang mga bata tungkol sa konsepto ng “Good Touch” at “Bad Touch” bilang bahagi ng kampanya para sa kaligtasan at proteksyon ng kabataan.
Sa pagkakaisang ito, pinagtitibay ng lokal na pamahalaan ang adbokasiya para sa literasiya at ligtas na kinabukasan ng mga batang Dagupeño.










