KAKAYANIN BA? │Budget ng DepEd, sapat pa rin sa kabila ng ginawang pagbabawas

Manila, Philippines – Tiniyak ni Appropriations Chairman Karlo Nograles na walang masamang epekto ang budget cut na ginawa ng Kamara sa Department of Education.

Ito ay matapos na aminin ni Nograles na pinakamalaking kinaltasan ng budget ang DepEd para pondohan ang free college education sa susunod na taon.

Ayon kay Nograles, umabot ng 30 Billion ang ikinaltas sa DepEd school building program mula sa orihinal na alokasyon na 122.96 Billion.


Pero paglilinaw nito, ang kinaltasan na proyekto sa pagtatayo ng mga paaralan ay mula sa mga school building projects na wala pang kongkretong plano o kaya ay wala pang lugar na pagtatayuan.

Wala naman aniyang dapat ikapangamba dito dahil nananatili pa rin na may pinakamataas na alokasyon ang education sector na may 710.5 billion.

Sa kabila ng budget cut sa DepEd, mas mataas pa rin ng 2 bilyon ang budget nito sa 2018 na may 583.1 Billion kumpara ngayong taon.

Ang pera na ibinawas sa DepEd ay mapupunta pa rin sa edukasyon dahil gagamitin ito bilang subsidiya ng pamahalaan sa libreng pag-aaral ng mga college students.

Facebook Comments