Kakulangan ng mga medical facilities at health professionals sa mga tourist destinations sa bansa, sisilipin ng Senado

Ipinasisilip ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Senado ang kakulangan ng mga medical facilities at mga health professionals sa mga top tourist destinations sa bansa.

Inihain ni Zubiri ang Senate Resolution 937 kung saan tinukoy na sa kabila ng mga sikat na pasyalan sa bansa tulad ng Boracay, Palawan at Siargao ay kulang naman ang mga medical facilities at health professionals na titiyak sana sa kalusugan at kaligtasan hindi lamang ng mga domestic at foreign tourists kundi pati na rin sa mga nagtatrabaho at naninirahan doon.

Tinukoy sa resolusyon ang balita noong 2015 kung saan nasawi ang isang 25 anyos na turista sa Palawan matapos na makatapak ng sea urchin at hindi agad nabigyang lunas dahil walang nagsagawa ng first aid at wala ring ambulansya para maisugod ito sa pagamutan.


Ang ganitong pangyayari ang nagbibigay ng alinlangan lalo sa mga dayuhang turista na mamasyal sa bansa.

Iginiit sa resolusyon na kasabay ng pagsusulong ng tourism industry ay matiyak ang access sa lahat ng health at medical services sa mga tourist spots.

Facebook Comments