Kakulangan ng mga principal sa DepEd schools sa kabila ng maraming kwalipikadong guro, kinwestyon ng TDC

Naniniwala ang isang teachers group na pinagkakaitan ng mga kwalipikadong principal ang mga paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd).

Una nang iniulat ng The Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na 24,916 o mahigit kalahati ng 45,199 na pampublikong paaralan sa bansa ay walang principal.

Karamihan sa mga ito ay pinamumunuan lamang ng head teacher, teacher-in-charge (TIC), at officer-in-charge (OIC).


Sa interview ng DZXL-RMN Manila, sinabi ni Teacher’s Dignity Coalition (TDC) Chairman Benjo Basas na bagama’t maraming mga guro ang nakapasa sa qualifying exam ng DepEd para sa school heads, nananatiling malaki ang kakulangan nito sa bansa.

Bunsod nito, hindi lang mga paaralan ang pinagkakaitan ng pamahalaan kundi pati ang mga guro na sapat ang kakayahan upang pamunuan ito.

“Pinagkakait natin dun sa mga teachers na qualified… Pangalawa, pinagkakaitan natin ‘yung ating mga paaralan ng isang leader, ng isang mamumuno na competent enough at qualified. So ‘yun po ay medyo hindi rin makakatulong.”, saad ni Basas.

Kaugnay nito, nanawagan si Basas na madaliin ang pagtanggap ng mga kwalipikadong school principal at organisahin ang imbentaryo nito upang mapunan nang maayos ang kakulangan sa bawat paaralan.

“Unequal ang distribution ng mga passers, halimbawa sa isang particular division ang daming pumasa, sa kabila wala, eh hindi naman automatic na gusto ng mga tao na lumipat. So we have to rationalize this.”

Facebook Comments