Malinaw para kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto na hindi kawalan ng pondo ang dahilan kaya may problema ang Land Transportation Office o LTO sa plastic na driver’s license cards.
Giit ni Recto, ang suliraning kinakaharap ngayon ng LTO ay bunga ng kakulangan o kawalan ng mahusay na diskarte at sablay na pagpaplano.
Ayon kay Recto, ang P249 million na pondo para sa 5.2 million plastic driver’s license cards na kailangang bilhin ng LTO ay katumbas lang ng tatlong araw at kalahati na kita ng ahensya.
Binanggit ni Recto na umabot sa P26.68 billion ang kinita ng LTO noong nakaraang taon o pumapatak na P73 million kada araw.
Ipinunto pa ni Recto, na isa ring kabalintunaan na may problema ngayon ang Pilipinas sa plastic para sa driver’s license gayong ikatlo tayo sa buong mundo na pinagmumulan ng marine plastic pollution.