Pabor si Senator Christopher “Bong” Go na ipagpaliban muna ang pagtataas sa contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) members na nakatakdang ipatupad ngayong 2021.
Ipinaliwanag ni Go na maraming nawalan ng trabaho kaya dapat ay tulungan na lang muna ang mga kababayan natin lalong-lalo na ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na wala nang pambayad sa premium.
Kaugnay nito, tiniyak ni Go na personal siyang aapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na kung maaari ay gobyerno na lang muna ang sumalo sakaling kulangin ang pondo ng PhilHealth sa mga susunod na panahon para hindi maisakripisyo ang pagpapatupad ng Universal Healthcare Law.
Nilinaw naman ni Go na ayaw rin niyang umabot sa puntong wala nang pambayad ang PhilHealth kaya dapat ang gobyerno ang sumalo sa halip na ipasalo sa mamamayan lalo na ang mga mahihirap at nawalan ng trabaho.
Samantala, ipinaalala naman ni Go sa PhilHealth na gamitin ang mga pumasok na pera mula sa mga miyembro nito.
Tiniyak din ni Go na malaki ang tiwala niya kay PhilHealth President and CEO Atty. Dante Gierran na hindi siya papayag na may manakaw na pera ang ahensiya.